Isang magandang umaga, tanghali, hapon, o gabi po saan man kayo ngayon sa mundo na nararating ng aking blog. Muli, isang pagbati po sa inyong lahat.
Hindi po ako naririto ngayon upang magmukmok sa latest na kabulastugan ng aking Tito Batugs dahil sa mga oras na ito, alas-11 singkwenta’y singko ng gabi, ay nakikipag-inuman siya sa tropang WAKI at mission accomplished ako ngayong gabi.
Muli akong nagsusulat ngayon dahil sa bugso ng mga emosyon na nararamdaman ko. Magkahalong tuwa, lungkot, pag-asa, at awa. Isinantabi ko muna ang uhaw sa pag-ibig. Ngayong gabi, nais ko sanang makapag-kuwento nang masinsinan sa inyo.
Matapos ang 5,000 taon ay muli kong nabuksan ang aking Multiply at ginanahan nang lagyan ito ng mga litrato sa wakas. Nakapagdagdag din ako ng mga bagong contact mula sa mga ‘di na bagong kaibigan.
Lubos ang kagalakan ko nang makita kong inapprove na ng aking kapatid sa puso ang aking imbitasyon. Na-flatter ako dahil sa kabila ng kawalan niya ng koneksyon sa net at nakikisingit lang sa wi-fi ng kapitbahay eh nagawa niyang pagbigyan ang munting pabor ko na paunlakan ang aking imbitasyon.
Pinalipas ko muna ang ilang minuto bago ko buksan ang kanyang account na tago ang mga laman mula sa madlang publiko. Eksklusibo lang sa mga contacts niya. At sa wakas ay makikita ko na rin ang mga laman nito.
Walang mga litrato. Marahil naroon nang lahat yun sa dalawa pa niyang account. Alam ko na kung ano ang dapat kong sipatin. Ang mga BLOG ENTRIES.
Sa unang pahina pa lang, puno na ng emosyon ang mga entry. Ngunit tuloy lang ako sa pagbasa. Unti-unti, sa bawat paglipat ng blog entry, sa bawat pagtakbo ng istorya sa aking isipan, unti-unti ko nang nakikilala ang espesyal na taong ito. Hindi pa kami nagkikita ng personal at sa oras na dumating na ang takdang panahon para pagsalubungin ang aming mga landas ay walang pasubali kong hahagkan ang aking kuya-kuyahan na sa ngayon ay hanggang sa YM, Plurk, o Facebook ko lang nakakasalamuha. Sa bawat pag-uusap, pakiramdam ko ang tagal na naming magkakilala ngunit alam kong marami pa kaming dapat ibahagi sa isa’t isa.
Siguro ay may higit dalawang buwan pa lang kaming magkaibigan. ‘Di ko na kasi matandaan ‘yung saktong petsa kung kailan niya ako inadd. Oo, siya ang naunang mag-add sa ‘kin. Nakita ko lang siya sa nag-reply sa plurk ng isa sa mga nakatakda kong katayin sa listahan.
Ganito ang pagkakasabi niya: “Song Han Jin, add kita ah okay lang?”
Hindi ko siya kilala. At pangalawang beses lang sa buhay ko na makakita ng pangalan na gaya ng pangalan niya. Ngunit tumalima naman ako sa hiling niya at pumayag na i-add nya ako. Sa mga unang naging usapan namin, isang bagay ang naging dahilan ng mabilis na pagkakasundo namin. Magkababayan pala kami. Parehong mahilig sa lomi, miki guisado, at hawot (maliit na dried fish). Hanggang sa naging contact ko na rin siya sa YM. Doon nagsimula ang mas malaliman naming pagkilala. Sa bawat araw na lumilipas, mas nagiging bukas na kami sa kung ano man ang mapag-usapan. Sa umpisa tinrato ko lang siya na parang isang ordinaryong tao lang din na nagkataong dumaan sa buhay ko. Nadala na rin kasi ako sa mga taong nang-iwan sa akin noon. Pero pinatunayan niyang mali ang ako.
Sa isang maliit na insidente, una kong nasilayan ang kanyang katapatan at pagpapahalaga. Binalik niya ang dignidad ko. Naalala ko tuloy bigla ang isang dating matalik na kaibigan na ngayon ay wala na. Namuo ang mga luha sa mata ko. Hanggang sa unti-unti itong gumulong pababa sa aking pisngi. Pinasalamatan ko siya ng buong puso dahil hindi ko akalaing sa kanya ko muling mahahanap ang pagmamahal ng isang tunay na kaibigan, at kapatid.
May makailang beses na rin kaming nagkatampuhan dahil sa mga ‘di pagkakaunawaan. Laking pasasalamat ko na rin sa Panginoon dahil naaagapan naman agad ang mga ito. Naalala ko nung kailan lang, nagkaroon kami ng masinsinang pag-uusap. Nagalit siya sa akin dahil iba pala ang dating ko sa kanya habang ako’y nagpapayo. Masakit sa kalooban ko yun. Pakiramdam ko pinagsarhan ako ng pinto at naiyak na ako ng tuluyan. Ngunit sa kabila noon, ipinadama ko sa kanya na kung ‘di ko man siya lubos maunawaan o mai-ahon sa kanyang kinasasadlakan ay sasamahan ko pa rin siya sa kanyang tabi at hinding-hindi mang-iiwan.
At ngayon, sa mga oras na ito, habang patuloy ko pa ring binabasa ang kanyang mga personal na pahina ay malinaw ko nang nakikita ang larawan ng isang butihing kaibigan, kapatid, at anak. Naiisip ko tuloy na sana’y magawa ko ring mas lalo pang buksan ang aking buhay at pagkatao upang mas lalo niya akong makilala.
Isang pelikula ng totoong buhay ang napapanood ko ngayon sa telon ng aking isipan. Isang buhay na bagaman ay papasimula pa lang, ngunit hitik na sa mga aral ng buhay at ang determinasyon na mamuhay ng marangal at may kasapatan.
Inakala ko noon na ako ang makapagbibigay sa kanya ng ilang mga aral sa buhay na aking natutunan. Ngunit ako pala mismo, maraming natutunan sa bawat patak ng mga letra, sa bawat indayog ng mga talata.
Alam ng mga malalapit sa akin na emosyonal ako. Na madali akong madala sa bugso ng damdamin. Heto nga at tama sila. Wala sa plano ang pagsusulat ko ng blog ngayon. Ngunit dahil sa samu’t saring emosyon na gusto kong ilabas ay napasulat ako ng ‘di oras; habang ako’y inspirado. Muli na naman akong napangiti at napaluha. Sari-saring emosyon sa loob lamang ng maikling oras.
Bihira lang talaga akong magpahalaga sa isang tao. At kapag ginawa ko, seryoso ako. Hindi ako ang taong mahilig mag-take for granted. Iyon kasi ang pinakamasamang bagay na maaari mong magawa sa isang tao. Ngunit ‘di maiaalis sa akin ang takot na iwan ako ng mga taong tunay na minamahal ko, at nagmahahal sa akin.
Hindi ko rin ugali ang magsabi ng mga salitang tulad ng “mahal kita” at mga tulad nito. Hindi kasi ako vocal sa mga emosyon ko at lalong bihira kong mapagsabihan ang isang tao na siya’y aking pinahahalagahan.
Ngunit dahil na rin natutunan ko ang magpahalaga sa isang malapit na tao, may ilan na rin akong nasabihan ko ng mga words of appreciation. May sakit din ako na maaari kong ikamatay at natutunan kong mabuhay na para bang ito na ang huli kong araw. Walang katiyakan kung hanggang kailan na lang ba ako.
At dahil sa iyo, kuya (alam mo na kung sino ka), muli akong nagkaroon ng lakas na mabuhay ng matuwid at taglayan ng pag-asa na makamit ang buhay na inaasam. Kaya para sa’yo, kuya, a toast to life!
Salamat, kuya, salamat.
Sometimes being a brother is even better than being a superhero. ~Marc Brown