Greetings


All things, good and bad must come to an end.

Dalawang tulog na lang at muli na namang magiging war zone ang buong bansa dahil sa sabay-sabay na pagpapakawala ng mga bawal, iligal, at nakapipinsalang mga paputok. Muli na namang magmimistulang Baghdad ang Kamaynilaan dahil sa view ng mga lumilipad na paputok sa kalunsuran.

Aba, nakatatlong buwan na rin pala simula ng huli akong magsulat dito sa aking munting tahanan. Naging abala kasi ang inyong lingkod sa bago kong trabaho bilang political blogger. Pero matalinong political blogging naman ito at hindi basta na lamang lumalatay at humahalik sa puwit ng mga pulitikong sana’y pinipigsa sa puwit.

Pero ngayon , heto at sinasamantala ang kakarampot na oras na aking inilaan para muling magsambulat ng aking mga saloobin sa iba’t ibang bagay sa ating buhay-buhay.  Magsasara na kasi ang taong ito. Isang taong mas maraming idinulot na salimuot kaysa ligaya. Bukod sa mga pambansang krisis na ating hinarap, siyempre lahat naman tayo ay mayroon ding mga personal na bagyong kinakaharap, kahit maging sa mga oras na ito.

Una sa lahat, dapat akong magpasalamat sa pinakamagandang biyayang natanggap ko ngayong taong ito. Walang iba kundi si Bro. Masalimuot man ang taong lilipas, nabuhay namang muli ang aking kaluluwa sa pag-alala sa tunay na kahulugan ng Pasko. Wala ka nang mahihiling pa oras na matanggap mo na si Bro.

Pangalawa, ang aking nag-iisang kuya. Si Kuya Red o mas kilala ko sa tawagan naming Fratè (tol sa Italyano). Naging rough man ang aming start, unti-unti ay natututo kami sa mga leksyong itinuturo ng bawat pangyayari. Bagaman minsan may kinaiinisan ako sa kanya ay ‘di ko na inalintana iyon. Minsan may pagka-cariño brutal din siya para ipabatid sa aking mahal niya ako. Magagalit siya o kaya ay hindi kami magpapansinan pansamantala upang ipakita niya ang kanyang malasakit sa akin bilang kapatid. Maiinis ako sa umpisa ngunit sa bandang huli ay saka ako matatauhan na dapat akong magpasalamat sa kanyang malasakit. Sa oras ng kagipitan, siya ang aking takbuhan. Para akong batang tatakbo sa kanyang kuya para isumbong ang mga nang-aapi sa akin o sabihin kung ano ang masakit sa akin. Agad niya naman akong ipagtatanggol o kakalingain nang walang alinlangan at hiniling na kapalit. Nakatataba ng puso na malamang hindi ka nag-iisa at may tunay na nagmamahal sa iyo kahit iwan o alipustahin ka pa ng iba.

Pangatlo, sa aking pamilya na kahit na madalas ay hindi man kami magkasundo-sundo ay nananatili pa rin kaming buo at malayo sa anumang kapahamakan.

Pang-apat, sa aking mga kaibigan. Luma man o bago. Ika nga, mainam luminis ang bagong walis ngunit ang lumang walis ang nakaaalam ng lahat ng kasuluk-sulukan ng bahay. Maraming salamat sa inyong katapatan at pagmamahal. Mahal ko rin kayo.

At panglima, sa lahat pa ng ibang mga biyayang natanggap ko ngayong taon na ito. Mula sa mga simpleng bagay gaya ng paggising sa umaga para harapin na naman ang isang araw, hanggang sa mga materyal na bagay na aking natanggap. Sa laptop, cellphone, digicam, sapatos, damit, at kung ano-ano pa, salamat po Bro.

Wala na akong oras para maglitanya ukol sa mga masasamang pangyaring naganap sa akin. Kahit pa mayroong oras ay ‘di ko na ito sasayangin pa at ilalaan na lamang para sa iba pang mas makabuluhang mga bagay. Ngunit hayaan niyo akong magbahagi ng aking ilang mga saloobin upang kahit papaano ay may matutunan din tayo sa kabila ng kung ano mang kasawian o kabiguang naganap sa atin.

Mga kaibigan, nais ko sanang mabatid ninyo ang aral na huwag ninyong kapopootan o lagyan ng sama ng loob o kamuhian ang inyong kapatid. Hindi lang yung kapatid na biological. Kundi pati na rin ang iyong kapwa tao. Gaano pa man kasakit ang ginawa niya sa iyo ay matuto kang magpatawad. Sa ganitong paraan makatutulong ito ng malaki sa pag-usad mo pasulong sa buhay at limutin na ang mga sama ng loob ng nakaraan. Maikli lamang ang buhay. Hindi natin masasabi kung kailan ba tayo huling sisighap ng hininga.

Masagwa naman kasi na kung hanggang sa hukay natin ay may dala pa rin tayong sama ng loob sa ating kapwa. Papawalain na natin ito. Habang buhay pa tayo mauna na nating ilibing kung ano man ‘yang mga sama ng loob na ‘yan. Naalala ko tuloy yung dati kong bespren. Yung iba siguro sa inyo na nakakakilala sa akin ng malalim ay kilala na kung sino yung tinutukoy ko. Oo, ka-rhyme nga ni Kuya Red yung pangalan niya. Nilisan ko noon ang 2008 na mabigat pa rin ang loob sa kanya. Gawa nga nang ako’y hindi niya ipinagtanggol sa mga naninira laban sa akin. Ngunit nitong taong ito, natutunan ko na rin siyang patawarin bagaman hindi pa uli kami nagkikita ni nagkakausap man lang. Hinayaan ko na lang na ibaon sa nakaraan ang nangyari. Sana ganoon din sana sa inyo.

Matuto ring ilabas ng unti-unti at maayos ang inyong sama ng loob. Huwag nang ipunin pa at ibaling sa iba kung ano mang estremenggoles mayroon kayo.

Hindi lamang ito para sa mga kaaway ninyo ngunit pati na rin sa ibang mga taong tila ba walang pakialam kung sila ba ay nakakasakit na o hindi.

Lalo na kung marami kang kaibigan. Kahit ba marami na sila, huwag kang maging mapili sa kung sino lang ang bibigyan mo ng atensyon at iyong pagmamahal. Minsan kasi sa mga kaibigang hindi mo pa lubusang kilala ay mayroong mga taong handang ialay ang kanilang pakikipagkaibigan sa iyo kaya’t marapat lamang na ikaw ay matutong makipagmabutihan.  Masakit para sa taong iyon na makita niyang binati mong lahat ang iyong mga kaibigan ngunit sinadya mong lampasan siya. Matutong magpahalaga sa pakikipagkaibigang sa ‘yo ay iniaalay.

Dahil ang masyadong pagpapalagay o sa Ingles, taking someone  for granted ang pinakamasamang bagay na magagawa mo sa sinuman.

Isipin na lang natin ang ating kapwa. Siya rin ang iyong magiging matalik na kaibigan basta’t kayo ay may pagpapahalaga at katapatan sa isa’t isa.

Sa madaling salita, all we need, and we must give, is love. Why don’t you give love not just on Christmas Day, but everyday na rin! Para masaya!

Sa sandaling ito, kung ano man ang inis o muhi na aking nararamdaman ay akin nang iiwan at sasalubungin ang bagong taon na may bagong sigla at pag-asa.

Isang masigabo, maningning, at ligtas na Bagong Taon po sa inyong lahat!

Ito po si  Song Han Jin, nag-uulat.

NAIS KONG BATIIN NG ISANG MALIGAYANG BATI ANG AKING KUYA RED

SA IYONG IKA-22 TAON SA MUNDO, I WISH YOU NOTHING BUT THE BEST. SALAMAT DIN SA LAHAT-LAHAT, AKING BUTIHING KUYA. ^_^

frate1frate2

BUON COMPLEANNO, MIO FRATè… ^_^

 

hafe vurtdei!

hafe vurtdei!

BINABATI KO NG HAPPY BIRTHDAY ANG DALAWA SA AKING MGA MATALIK NA KAIBIGAN, TAPAT NA KATROPA, AT MGA MASUNURING DISIPULO KO NA SINA JOHANNA EMBESTRO AT KENICHI TAKAHASHI!!

HAPPY 2Oth BIRTHDAY KAY JOANNE AT HAPPY 18TH BIRTHDAY NAMAN KAY KENCHAN!! WISHING THE BEST FOR BOTH OF YOU AND THANKS FOR BEING THERE THROUGH THE YEARS!! ^_^